1. KAPALARAN
Nagkakagulo ang lahat ng tao sa techbooth ng Albertus. Hindi kasi magkandaugaga ang music head na si J-mee sa pagpipindot at paghahanda ng track sa CD na susunod na patutugtugin sa eksena. Dahil hindi ako ang nakalatag sa entablado bilang Gemini at bilang isang butihing music staff, inilaapag ko sa dimmer board ang binabasang Inquirer Libre at nakisalo na rin ako sa kaguluhan. Track nine. Siniguradong naka-pause ang CD player at pinagtawanan ang pagkagulat ni Jmee sa pagpisil ko ng pisngi niya. Malapit na ang paborito kong eksena sa dulang Agnoia. At sa takdang oras, pinindot ko ang play at iniangat naman ni Jmee ang volume sa tamang lakas kasabay ng pagbabago ng ilaw sa entablado mula dilaw hanggang sa maging pula. Sinabayan na rin ito ng indak ng mga dancers ng dula ng paborito kong dance sequence. Napangiti nalang ako sa husay ng ilan sa mga sumasayaw sa entablado. Lalo na yung pinakamagaling sa kanya. Napailing nalang ako sa pagkabilib at naibulong sa sarili "malayo ang mararating ng batang ito."
Matapos ang sayaw, muli kong kinuha ang Inquirer Libre at pinagpatuloy ang pagbabasa ng horoscope. Leo. Lima ang puso. Ayos. Nakangiti kong binasa ang nakasulat. "Humanda ka. Matutuwa ka sa makikita mo." Tama. At nakita ko na.
2. INDAK
Bitbit ang isang lumang smoke machine na hindi ko sigurado kung gumagana, kinausap ako ng Presidente ng CASA na si EJ Mallari na kung pwede raw ba akong tumulong sa Integbol nila. Isang milyon ang dahilan ko para tumanggi. Andiyan ang hindi ako CA, wala akong pera, wala akong susuotin, plano kong umuwi ng probinsiya, at kasalukuyang magkagalit kami (ng sobra sobra) ng isng malapit na kaibigan (no mentioning of names nalang. hihihi) na alam kong pupunta ng gabing iyon.
Pero itinakda na ata ng diyos na ikakamatay ko pag tumanggi ako sa hiling ng kaibigan, hinila ko nalang ang sarili kong sumakay ng taxi kasama ng kalahati ng buhay ko.
Nagkaligawligaw kami. Kapos ng sampung minuto ang pinangako naming alas sinko. At tulad ng inaasahan, hindi naging palakaibigan ang kalawakan ng warehouse na pinagdausan ng Integbol. Trabaho ang pinunta ko doon at trabaho lang ang plano kong gawin. Pero nabigla ako. Mageenjoy pala talaga ako.
Sa kasukalan ng malalakas ng tugtog, tao at alak, napatunga-nga nalang ako sa kinlalagyan sa DJ's booth sa nasasaksihang indakan. Napailing nalang ako at napangiti sabay bulong sa katabi kong DJ ng mamukhaan ang isa sa mga kumakarir ng sayaw. "Siyet. Ang galing pala talaga niya no? sobra!"
Nang magkatsansang makalapit at makausap ang nasabi kong kaibigan, napatawa nalang siya ng pabiro kong sabihing "Hindi lang ako ang Journ dito kaya wag kang magulo!" Ganoon naman talaga ako. Dinadaan sa biruan ang sa totoo lang, isang paghangang hindi matatawaran.
3. BIDYO
Tulad ng inaasahan, huli nanaman ako sa napagkasunduang alas seis. Hindi nga lang nila ako masisisi. hindi madaling magbiyahe ng mabigat ang dinadamdam. Kasalukuyan akong nagdadalamhat't nagluluksa sa pagpanaw ng isang matalik na kaibigan ng maabutan ko ang mga Stage Managers kong abala sa pangongontrata sa mga napili nilang gaganap sa dulang Rizal at Blumentritt. Hindi ako makasingit sa debateng nagaganap. Wala akong magawa kundi tumunganga sa kanila. Nageenjoy na ako sa paglalaro ng aking sariling laway ng kausapin ako ni Marchella Calica.
"Panoorin mo si Therese de Guzman matutuwa ka." Pangisi niyang ibinulong sa akin sabay abot sa akin ng kanyang videocam. Binidyo pala nila ang auditiong hindi ko nasaksihan. Humanga naman ako sa husay nila sa pagiging responsable.
Pagdating ko ng bahay sa Bulacan, dagli akong pumasok ng kwarto. Tulad ng inaasahan,. umiyak nanaman ako sa nararamdamang pighati. Sa gitna ng mga parusang hikbing pilit kong tinatago sa mga kasambahay, napagdesisyunan kong panuorin nalang ang inihanda ng mga SMs kong bidyo. Inusisa't kinalikot ko ang videocam at nang malaman kung paano paandarin, pinanuod ko simula sa umpisa ang bidyo. sa unang tingin alam ko na ang mga nararapat na karakter sa kanila. Bukod din kasi sa nabigyan na ako nila Jmee ng listahan ng mga napili nila, mahuhusay ang mga ginawa nila. At nang makita ko ang batang sinasabi ni Marchella, napatawa nalang ako. Tama pala talaga siya. Ikatutuwa ko nga ito. Nakakatuwa. hindi ko alam na pwede palang sayawin ang kantang HAPPY BIRTHDAY ng sensual, hot and sexy. Noon palang alam ko na. Maganda ang itinakda ng tadhana para sa kanya. At kahit na puno ako ng kalungkutan, napatawa ako ng isang Therese de Guzman. At sa unang pagkakatain sa tatlong araw ng pangungulila sa kaibigan, nakatulog ako ng mahimbing.
4. EKSENA
Sa kasagsagan ng kontrobersiyang pinagdadaanan ko at ng dulang aking pinaghirapan at iniyakan, hindi ko maitatanggi, masaya ako sa patuloy na pag-ganda ng takbo nito.
Sa panglimang banat ng dulang RnB, ako'y patagong ngumangasab ng paborito kong Fudgee Bar sa loob ng techbooth ng Rizal Con. Patago rin akong kinikilig sa mga banat ni Yes at kung paano ito gawing katawa tawa ni G-boy. At kung maputi lang ako, panigurado, pandalas din ang pamumula ko. Pero dahil wala akong karapatang magblush dahil sa kulay ko, inisip at pinagtuunan ko nalang ang masasarap na tawanan ng mga nanonood. Ibang klaseng bata ito. Karerista. Hindi marunong mapagod. At panigurado ko, hindi lang ako ang nakakaisip nito nang sabihin ng isang Jason de la Cruz na "Ang galing nila! Congrats Fhadz."
Alam ko. Sa dami ng naipon kong pagkakamali, may karamihan na rin ang aking naitama at tamang nagawa. Dahil marami ang makakapagsabing hindi ako nagkamali sa pagpili sa mga gumaganap sa eksena.
5. DULAS
Napadausdos ako sa madulas at basang bahagi ng sahig sa may AB lobby. Muntik na rin akong mapahiya sa mga estudyanteng nagmamadaling umuwi at ibang huli na sa klase. Bumaling baling ako sa mga nagdadaan, sinisiguradong walang nakapansin. Tiningnan ko ang parte ng sahig na muntik nang dumurog sa kahihiyan ko. Hindi na tama ang ang nararanasan kong kamalasan ng araw na iyon. Lumabas ako ng building para makahagilap ng signal na pinagkait sa loob ng building. Tatlong araw na ring umulan at naguumpisa na ring bumaha sa parking ng AB. Habang iritang ikinukwento kay Manong Agnes ang kamalasang tinatamasa, isang mukhang may napakagandang ngiti ang bumati sa akin at gulat at tuwang tuwa ko rin iyong sinuklian ng mahigpit na akap.
"Kuya may pasok po kayo ngayon?!" Gulat niyang itinanong sa akin. Sinagot ko siya ng wala na may halong pagtataka. Oo nga pala. Kabisado niya ang Class Schedule namin. Matutuwa na sana ako ng lubusan ng maalalang hindi lang pala ako ang Artistang Artlets sa klase namin. Pero napangiti nalang ako sa ganda ng ngiting pamamaalam niya sa akin. Pagharap ko kay Manong Agnes na naghihintay ng kwento ko, napatanga na rin ako sabay sabat "Uhhhmmm... Nakalimutan ko na ang sasabihin ko.. Ahihihi.. Sige!" sabay tapik sa malaking braso ni Manong Agnes. Masaya kong binagtas ang daan papuntang ABSC office. Wala na rin akong naranasang kamalasan simula noon. Hindi ko na rin maalala kung bakit ako naghihimutok noong umagang iyon.
6. PANGAKO
Hindi na ako magkanda-umayaw sa dami ng mga gagawin dito sa opisina. Hindi pala biro ang magpaka-responsableng mamamayan ata anak. Nangingintab na rin ang mukha ko sa kanina ko pang binabasang artikulo tungkol sa mga relasyon ng mga lesbiyanang muslim. Kunwari magaling ako sa layout at grammar. Pero hindi ko na maitatago ang pagkamiss sa mga kaibigan kong naiwan ko sa kolehiyo. Nang matapos ko ang mahabang proseso ng paghahanap ng mali sa mga artikulong dapat puro tama, tumunog ang cellphone ng katabi ko sa station ko. BUBBLY ni COLBIE CALIAT ang kanyang ringtone. Bigla nalang akong ibinalik sa mga masasayang nakalipas--mga huling araw ng buhay ko sa kolehiyo at mga pangakong hindi ko pa natutupad. Naalala ko. Ang tagal ko na palang planong gawin itong entry na ito. Hindi ko lang matyempuhan.
Patakas kong binuksan ang blogger account ko. fudge12.blogspot.com. Nagsimula akong magsulat. Inaalala ang mga hindi ko na malilimutang pagkakataon binuno sa trabaho, iyakan at sangkatutak na tawanan. Sumulat ako. Hindi para mamaaalam o magdrama. Nagsulat ako para tuparin ang napaglumaang pangako. Tama. Ika nga ng isang text message na natanggap ko. "Sige po kuya text mo ako pag natapos niyo na. Aasahan ko po iyon."
(PARA KAY THERESE DE GUZMAN)
Monday, June 23, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
KUYA!!! maraming sa;amat.:) as in! di nio po alam kung gano nio ako npangiti, npasaya sa blog nio. di ko po alam kung pano ako mkkbawi kc wala nman ako blog. hahahahaha! (loser ko!)haha
kuya thanks po tlaga! *hug*
Post a Comment