si caloy at si isha

My photo
sa pagbabago ng panahon, sa pagkurba ng tadhana sa napagpintasang gunita, sa paglalayon sa habang buhay na pagtunton... sa dambana, sa harap ng madla, nanaisin kong mangako ng magpakailanman, patungkol, dahil at para sa iyo...

Friday, October 3, 2008

THE BIGGEST PART OF MY LIFE.... (and will remain the biggest)


i.


Galit ako. Galit na galit. Umiiyak ako sa galit. 12 years old palang ako noon. Pero wala nang mapaglagyan ang hinanakit ko sa sarili ko dahil nakatulog ako ng sobra sa siestang pinilit lang akong gawin para lang wag dumampi ang nagbabagang sinturon ng ama ko sa aking pwet. Wala na. Lumagpas na ang isang importanteng parte ng pagkatao ko ng mga panahong iyon.
Galit ko ring sinagot ang mga kaibigan ko sa eskwela noon dahil sa pagkukwento ng pinaka mahalagang kaganapang dapat ay nasaksihan ko din. Hindi katanggaptanggap na isang araw akong hindi nakahinga—sa pagtatantong hanging aking hinihinga ang inilalaba (pinapalabas) sa kwadradong kahong inilagay sa aming sala para sambahin at pagtuunan ng napakatinding pansin. Masakit sa akin ang lumampas ang isang parteng araw araw inaabangan. Ngayon hindi ko na alam kung naalala na ni Lime na pagmamayari siya ni Utaro.


ii.


Di ako makapaniwalang nanliligaw ako. Nagaaral ako magisa kung paano magitara para lamang mapansin ako kahit papano ng iniirog kong kaibigan. Mamaya tatawag siya sa telepono (tulad ng gabi gabi niyang ginagawa) at dapat alam ko nang tugtugin ang “More than words” na ilang araw ko na rin g pinagpapraktisan. Siya ang Lime ng buhay ko, na tulad ng kay Utaro, ang pinaka importanteng aspeto ng pagiging lalaki ko—ng pagiging tao ko.
Namamaga na ang mga dulo ng daliri ko sa pagpipisil ng mga matatalim na chords ng guitara. Pero kailangang magtiis. Ilang oras ko na akong paulit ulit dito sa ginagawa ko pero masasabi ko namang may magandang naidudulot ang sakripisyong ito. Pero kailangan ko munang itigil to. Dahil sa ilang segundo, titigil nanaman ang mundo. Wala akong maririnig na kahit ano kundi ang tibok ng “female circuits” na buong araw na pumupulso sa pagkatao ko.


iii.


Hindi ko na namamalayang ilang oras na pala akong naglalakad dito sa kahabaan ng Quiapo kasama ang isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan sa paghahanap ng mga piratang DVD. Hindi ako masisisi ng mundo sa pagkakasalang pandalas naming ginagagwa. Di hamak naman na napakamura ng mga piratang ito kumpara sa nagtataasang presyo ng sine at ng mga VCDng nabibili sa mga malls. At para sa tulad naming mga college students, praktikal lang na bilhin namin ang kasya lamang sa bulsa namin.
Naghahanap ako ng Season 1 ng Heroes nun. Sikat na sikat noon sina Claire at sina Peter at buong mundo ata ang nagmamatyag at nagiisip kung paano papatayin si Saylar kung mismong si Hiro di siya kinaya. Sakto lang ang pera kong dala—50 pesos—para makabili ng DVD nang may nakita akong isa pang DVD na di ko akalaing bubulaga sa paningin ko. Saber Marionette J to X. Hindi na ako nagisip. Binili ko ito sa halip na Heroes ang bilhin ko. Hindi na ako nagtanong kung bakit ko ginawa yun at hindi na rin ako nagtaka kung bakit ganoon nalang ang nararamdaman ko. Dahil para akong bumalik sa pagiging sanggol ng mga oras na iyon. Masaya, walang inaalala at hawak ang kamay ng ina, hindi inaalala ang gutom, ang kapahamakan at panganib.


iv.


Pandalas ang panonood at pagbabasa ko ng kung anu-anong bagay. Pero kahit kailan, hindi mapapantayan ng kahit ano ang Saber Marionette sa puso ko, ng buhay ko. Ito ang pinakamalaking parte ng buhay ko. Hindi ko kailanman maiisip na mabubuhay ako ng ganito sa mundo kung wala ang seryeng ito na bumuo sa pagkatao ko. Kung ako ang tatanungin, hindi ko rin alam kung ano meron sa teleseryeng ito. Pero ang marka nito ay tagos hanggang kaluluwa ko.
Ito ay para kay Lime, Cherry at Bloodberry na hanggang sa mga oras na ito, ay may isang mahikang umaakit sa akin. Ito ay para sa pagkabata kong binuo ng panonood kung paano ihagis si Hanagata sa ibat ibang paraan. Kung paano makaramdam ang mga bionic na mga nilalang. At sa maliit na piraso ng mga naaalala ko, tinuruan ako ng panonood ng mga robot na ito kung paano maging tao.
Makata man akong maituturing sa pagbibigkas kung ano ang importansya ng SMJ sa buhay ko, simple lang naman ang gusto ko iparating—na sa dambuhalang matatawag nating buhay, may maliliit itong piraso na kailanman, hindi maaaring mapantayan ng kahit anong bago at magandang dumating. At para sa akin, ito ay ang pagupo sa harap ng TV at pagkagunaw ng mundo sa paligid ko para akapin ang mirakulo kong matatawag na serye.


With this, I part from your attention saying...


THE BIGGEST PART OF MY LIFE.... (and will remain the biggest)
is the smallest thing no one would consider thinking.


Me and my wala lang periods.... hahahaha.....