si caloy at si isha

My photo
sa pagbabago ng panahon, sa pagkurba ng tadhana sa napagpintasang gunita, sa paglalayon sa habang buhay na pagtunton... sa dambana, sa harap ng madla, nanaisin kong mangako ng magpakailanman, patungkol, dahil at para sa iyo...

Monday, September 29, 2008

“... Ng Hindi Nakita ang Bukang Liwayway: Ang kwento ni Pareng Teban”

1.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na dumampi sa ulirat ko bilang tao.

Ano ba ang tao? Ano ba ang ginagawa ng tao? Tao ba ang masaktan? Tao ba ang magalit? Tao ba ang gumanti? Tao ba ang maging masama, ang maging mabuti? Tao rin ba ang magmahal, ang pumatay, ang ipagtangol ang buhay, ang minamahal, ang bayan?

Isang linggo, tatlong araw at mga lima o anim na oras kong binasa hanggang matapos ang librong may 368 na pahina. Maliit lang siya. Pero mas malaki pa sa mundo ang ipinakita nito—isang dambuhalang katotohanan na tao lang ang mabigo, ang magpatawad at mamatay... para sa bayan o para saan man.

Hindi ko naabutan ang panahon ng mga hapon. Pero hanggang ngayon ramdam ko ang tindi ng epekto ng pagdayo nila rito sa bansa nung WWII para maglabas ng kayabangan, ng kalibugan ng kasamaan. At hanggang ngayon, umiinit pa rin sa ngitngit ang lamang loob ko sa tuwing maaalala ko ang Author's note nito ni pareng Teban: “After reading this, maybe you'll understand us Filipinos... a little.”

May mga nakilala rin akong matatandang nasaksihang masunog ang bandilang puti at ng Imperial na araw nito. Mga matatandang kahit kailan, hindi na nagawang lumabas ng kanilang bahay sa takot na baka gahasain, paslangin, babuyin at alipustahin ng hapon. Mga matatandang hindi na nasilawan ng bukang liwayway ng paglaya.


2.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na pumukaw ng damdamin ko bilang isang lalaki.
Kaya alam ko, ramdam ko ang nararamdaman ni Carding (ang masasabing bayani ng storya) sa mga bawat punto na pilit tinutunaw ng kasamaan ang kanyang puso. Damang dama ko ang pagbabago nito mula sa isang mabait na binata sa isang simpleng baryo ng Panay hanggang sa isang demonyo sa impyernong matatawag na bansang pinutakte ng mga diablong nagsasalita ng wikang hapon.

Tumagos sa kaluluwa ko ang apoy na sumunog sa bawat kaluluwang binuhay ni pareng Teban saka iniwan para mamatay sa kanyang libro. Nasunog ako. At sa uling at abong natira sa pagtapos ko sa pagbabasa, napagtanto ko na tama nga ang matatanda sa pagsasabing, ang tao, gagawin ang lahat para mabuhay, para tumanda, matuto at gawin ang lahat para makaligtas.
Hindi ko masisisi si Carding sa mga ginawa niyang kasamaan. Tinagurian siyang anak ng Diablo ng mismo niyang kababayan at mahal sa buhay pero sa totoo lang, hindi niya kasalanan maging isang demonyo kung nakatira na siya sa impyerno. Impyreno ang imperialismong Pilipinas na binuhay ng mga hapon.

3.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na bumalot sa pagkatao ko bilang isang anak ng isang ina, kapatid ng aking ate, kabiyak ng aking asawa.

Babae ang nanay ko. Babae ang mga kapatid ko. Babae ang taong gusto kong pakasalan (natural!). Pero hindi ko matatanggap kung silang lahat makikita kong halinhinang gahasain ng mga baboy na hapon. Isa, Lima, labing isang hapon, sunod sunod, nakapila, naghihintay ng pagkakataong sila naman ang magtatangal ng kati ng mga ari nila sa isang babaeng nagmamakaawa, walang magawa at alam na pagkatapos pagpakasaan ng mga hapong ito, kakalbuhin, tatanggalan ng suso gamit ang matatalim na dulo ng bayonete, ibibitin ng patiwarik, pupugutan ng ulo, at hahayaang mabulok sa ilalim ng araw. Sinong makakapagsabing makatao ito?

Marami na akong nabasa tungkol sa mga tagpong ito. Na isang babae, gagahasain sa harap ng asawa, ama at mga anak ng limang lalaki, at pag nagpumiglas ang kaawa-awang mga kalalakihan, sila ang papasakan ng bayonete sa katawan—mamamatay na ang huling nasaksihan ang nagmamakaawang anak, asawa at ina na sinusunog sa apoy ng kamunduhan—ginagahasa kahit na nangingig na ang katawan sa pagod, sa sakit na pulmunya, at sa araw araw ng pagpapasak at pilit na pagpapainom ng likido ng hapong walang kaluluwa. Hindi ko ata makakayanan nun. Kaya sa mga ganitong tagpo, hindi kaduwagan ang pagpapakamatay. Dahil yun nalang siguro ang tangi kong magagawa sakaling mangyari sa akin yun—ang tanging papatay sa sakit, sa kalungkutan, sa galit, sa pagluluksang mararamdaman ko kung sakali.

Napanood ko na rin ang isang dokyumentaryo ng mga Koreanong comfort women at ang kanilang pinagdaanan at ang pakikipaglaban nila at paghingi ng katarungan hanggang ngayon sa mga nangyari sa kanya. Pero nananatiling naninindigan ang bansang hapones na hindi nila kailangan humingi ng tawad kahit na ang mga mismong mga sundalong hapon, umiiyak sa pagsisisi sa kademonyohang ginawa nila. Pero ang nagawa na ay nagawa na. Parte na ng dugong pilipino, tulad ng dugong kastila, ang dugong hapon. Nakahalo na sa dugo natin ang dugong hapon, sa ayaw natin o hindi.


4.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na tumunaw ng damdamin ko bilang isang kristyano.
Dahil sa kawalan ng pagasa, isa lang talaga ang matatakbuhan ng kahit sino—ang kaniyang pananampalataya. Ang isang bagay na hindi nakikita ng tao. Hindi nararamdaman, hindi naamoy, hindi nahahawakan. At sa bawat piraso ng rosaryo, sa bawat santa maria, sa bawat pagluhod at pagluha sa harap ng dambana, ang isang kaluluwang durog ay mabubuo at mabubuo. Hindi ko maitatangi, tulad ng kwento ni Pareng Teban, isa ngang makatotohanang representasyon ng pagiging pilipino ang librong “Without seeing the dawn.”



NOTES:
Naisapelikula na ang storyang ito ni Stevan Javellana: Ang pelikula ni Lino Brocka sa pangalang Santiago! Na ginanapan nina Hilda Koronel at ni Fernando Poe, Jr.

Sa mga kaibigan kong gustong mabasa ang librong ito, i-text niyo lang ako and handa kong pahiramin ang nagiisa kong kopya. Tutal, hangad ko lang naman ipasa sa inyo ang matinding nararamdaman ko.



(me sporting my copy of Javellana's
"Without Seeing the Dawn")

1 comment:

mocha choco fudge said...

hahahaha... guess what? hindi sinasadya ang pagkuha sa akin niyan.. napagtripan lang ako ng boss ko hahahaha....