KASALO
Perfect! Sinong lalaki ba naman sa buong Pilipinas ang kasing husay ko sa pagaayos ng sariling kama? Lahat na halos ng tupi-tupi, ng gusot, ng kumot na mali ang ayos bumabaluktot sa pagaayos ko ng kama ko araw araw—20 minutos araw araw. Kahit magulang ko nahihiyang upuan man lang ang pusturang pustura ko ng kama sa tuwing aalis ako ng bahay. Nagtataka sila dahil parang kailan lang nagagalit ako paginaayos nila ang kama ko, dahil sa totoo lang, kailan lang din ayaw ko ng nakaayos na kama. Gusto ko gulo-gulo para masarap higaan (wag mo na ako tanungin kung bakit masarap higaan ang gulo-gulong kama. Hindi ko na matandaan kung bakit). Pero sa totoo lang, kailan ko lang din napagtanto, SIYA lang naman ang dahilan ko kung bakit ako ganito magayos ng kama eh. Masarap kasing tingnan ang malinis na kama. Gusto kong inaayos ang mga unan nito na magkatabi, hindi magkapatong, yung tipong aakalain mong dalawang tao ang natutulog dun araw araw.
Dalawang tao ang natutulog dun araw araw. Tama. Yun na nga rin siguro ang pinakarason ko kung bakit pinakanakakaadik kong hobby ang magayos ng kama—para kunwari may KASALO ako sa kamang buong buhay ko na halos hinihigaan. Panahon na sigurong lamanan ang kalahati ng kamang ginawa para sa dalawang tao.
KASAMA
Bakit ganito? Nagpunta ako dito sa beach para sa outing ng kumpanya namin—para magenjoy, kumain, magsaya. Pero bakit hindi ko magawang mapanatag ang loob? Bakit parang may malaking kulang?
Ang ganda naman ng buhangin-pinong pino at putting puti; ang dagat ang linis linis at maligamgam; ang langit nakakaigayang tingnan lalo na't walang nakaharang at todo ngiti naman ang araw sa kanyang kadakilaan sa gitna ng lahat. Ang daming libreng pagkain, daming mga pwedeng kilalanin sa lugar na ito, napakasaya naman ng mga bossing ko sa trabaho, ang dami kong kasama. Pero bakit ganito. Kulang na kulang. Parang kapeng barako na walang creamer o gatas man lang—lason para sa isang taong hindi marunong uminom ng kape na sing itim ng bumbunan ng matsing.
Nilakad ko ang dalampasigan matapos kong magpakapagod kalabanin ang maaalat at malalakas na alon. Basa kong tinahak magisa ang buhanginan sa paghahanap nung gatas o creamer ng kapeng nakahain sa harap ko. Napaupo ako ng matanto ko. Hindi ko pala siya KASAMA dito. Magisa kong isinulat sa buhanging na pinatag ng alon ang kanina ko pa gustong ipagsigawan sa mundo hanggang sa marinig niya.
“Wish your here”
Mangiyak-ngiyak akong tumawa sa kadramahang di ko mapigilang maisaliwalat. Umupo ako sa tabi ng obra kong unti unti na ring nilalamon ng mga alon noon. Natatawa na kahit anong ginanda ng lugar na puntahan ko, saan man ito, alam ko sa sarili kong hindi nito mahihigitan ang squatters area na nilalakaran namin noon na KASAMA SIYA.
KAIBIGAN
Naiirita ako kapag nababasa ko ang natetext niyang “PASS” na dapat ay “PAST”. Naiinis ako kapag tunog “BR” ang “BEAR” na pinapabigkas ko sa kanya. Nadidismaya ako kapag wrong grammar ang english niyang liham o ang tulang pilit niyang ipinagmamalaki sa akin. Pero kahit anong irita, inis at dismaya ko, hindi ko maitatanggi, ang PASS, BR at wrong grammar niyang liham ay ang PASS, BR at wrong grammar na bumubuo sa buhay ko—na ikamamatay ko kapag hindi ko nabasa, narinig o nabasa. Na paniniwalaan ko na PASS ang PAST, BR ang BEAR at dapat ganoon ang tamang pagkakasulat ng tama at magandang liham o tula basta sa SIYA ang bumigkas o nagsulat.
Sa KANYA, ang pangaasar NIYA sa akin ng MATABA, MAITIM at PANGIT ay mananatiling pinakamasayang bahagi ng buhay ko. Dahil MATABA, MAITIM at PANGIT man ako, mahal NIYA
ako. At mahal ko rin SIYA ng higit pa sa alam niya. Nakakatuwa. Hindi lang ako nakatagpo sa KANYA ng kasama. Nakakita ako ng KAIBIGAN sa KANYA na handang isampal sa akin ang katotohan hindi perpekto ang mundo pero mananatili akong perpekto sa mata niya.
KAPAMILYA
Bangus na sinigang sa bayabas ang nagpapatakam sa akin sa mga oras na ito. Makita ko pa lang ang nananabang “tiyan” ng bangus sa nakakapaglaway na sabaw, hindi ko na maiwasang mapangisi ng unti sa kinauupuan ko. Magaling talagang magluto ang soon-to-be mama ko. Laking pasalamat ko sa diyos at anak niya ang SOON-TO-BE wifey ko. Salamat nalang talaga. Dahil hindi madaling punan ang sikmura at bitukang sing laki ng akin.
Bangus na sinigang sa bayabas—pagkaing hindi ko man lang natripang kainin noon dahil kung itatabi ito sa paksiw na pata, wala nang dalawang isip pa, yari sa akin ang pata. Pero sa kakaibang amoy ng bayabas, sa saktong saktong asim ng sinigang at sa matitinik na laman ng bangus ko unang napagtanto na PAMILYA ko na rin maituturing ang PAMILYA niya—sa mga napagsaluhan naming tawanan ng tatang NIYA, sa mga naibahagi naming mga kwento ng mama NIYA, at sa mga napagpalitan naming apir ng kapatid NIYA. Salamat nalang talaga.
KAHON
Gupit dito, kalat dun. Magazine, dyaryo, letrato ng dalawang kaluluwang ikinakasal. Nakakatawa si mama. Hindi na niya maitago ang pananabik niyang ikasal ang panganay niyang anak. Ngayon pa lang naghahanap na siya ng magandang singsing, ng mamahaling gown at kung anu ang motif sa bawat mababasa o makikita niya at saka niya ito sa isang clearfolder katabi ng listahan ng daily at monthly budget namin. Napupuno na rin ng kwento tungkol sa kasalan ang mga nasasabi namin sa araw araw sa pagsasabay namin sa pagkain. Kahit na pagpilitan kong napakaaga pa ng lahat ng ito, sa loob loob ko, ito talaga ang gusto ko—ito talaga ang pinapangarap ko. KAHON nalang ng paglalagyan ng bato na may kabit na sing sing (para kuwari mas malaki ang bato sa mismong singsing) susugod na ako sa KANILA at pagsisigawan sa buong kalawakan—IKAW lang ngayon at kailanpaman.
KASAL
Ninong, ninang, abay, bestman, bridemaid, halos kumpleto na ang lahat ng bakanteng espasyo sa pangarap naming reception. Ang mga kakanta, magaayos at magdedesign ng damit at kung anu anu pa nakalista na rin sa piraso ng papel na nakikinita nanaming magiging laman ng wedding invitation. Pitong taon pa ang bibilangin namin para sa ang panaginip na ito ay masaksihan na namin ng gising. Pitong taon pa ang hihintayin para magkatotoo ang 500K na kasal. Hinahanda na namin ang sarili namin sa pagod, puyat at pagtitiis na ibubunga ng mga dasal naming kapalaran.
KAWAYAN
Isang mabigat, malaki at matangkad na KAWAYANG alkansiya ang binigay sa akin ni papa kahapon. Nakangiti ako kung kinuha ito sabay tanong na para saan kahit na buo ang loob kong alam ko ang gusto niyang ipahiwatig—mangarap ka na parang magkakatotoo ang bawat detalye, maging masaya ka sa paghihintay at maging mabuti kang asawa at simulan mo ito sa pagiipon. Gusto niya sa aking sabihin na gandahan mo ang kasal at sarapan at damihan mo ang pagkain. Na nakikita na niyang napakaraming bisita at napakaraming dapat bayaran. Nakakatawa. Dahil sa totoong buhay, mas marami pa doon ang ibig sabihin ng ngiti at ng “wala lang” na sinabi niya sa akin.
Asawa. Napakaaga pa pero paulit-ulit ko na itong nginunguya at ninanamnam sa gilagid ng aking ulirat—nagpapasaya sa bawat huklubang problemang bumubulaga sa akin, nagbibigay ng pagasa na magkakasama din kami sa iisang bubong, sa iisang kama, sa iisang pamilya.
KAPALARAN
Aaminin ko. Hindi birong paghihintay at pagtitiyaga ang kailangan kong danasin sa plano naming pitong taon. Ang daming pwedeng mangyari, masama, mabuti, nakakatuwa, nakakaiyak at nakakabaliw. Hindi ko alam kung anong ulam ang ihahain sa amin sa piging ng KAPALARAN pero sa totoo lang, hindi ko naman dapat iniisip sa ngayon yan. Ang kailangan ko lang ay ngayon, ang nararamdaman ko at ang gusto ko. Alam ko lang, mahal ko SIYA ng higit pa sa pagmamahal ko ng kahit ano sa kahit na sino. Importante sa akin ang nararamdaman ko dahil ang tao ay nabuhay para dumama, nabuhay ako para sa KANIYA.
Sa tingin ko nakakatakot ang PITONG TAON kesa sa pangakong pinako sa FOREVER sa dahilan na siguro, mas totoo ang PITONG TAON. Parang pitong bato, pitong aso o pitong araw. Ang forever, hindi napuputol, hindi napupunit, hindi nasisira. Isang kwentong nakakatakot ang pitong taon at isang nakalimutang biro ang forever—nagpapatawa sa mundong nagbabago sa bawat segundo.
KANIYA
Para sa mga tao ang mga sikat na katagang “your the air I breathe”, “I'm drowning in your love” at “you make me feel complete” ay mga liriko ng kanta, hindi impotante, walang ibig sabihin at mushy. Pero sa isang taong umiibig, kulang ang mga katagang ito para ipaliwanag ang pagibig. Kulang ang lahat ng salitang naimbento ng tao para sukatin ang higanteng matatawag nating pagibig. At hindi ko mapagtanto kung bakit kahit sabihin kong “I love you” sa KANIYA bawat segundo, hindi pa rin sapat ito para paratingin kung gaano. Kung sakaling nahahawakan at nakikita ang pagmamahal, panigurado ako, ako palang ang buhay hindi na ako kasya sa mundong ito. At sa mga taong umiibig, siguro'y naiintindihan ninyo itong gawa ng isang makatang tulad ko.
SA KANIYA LANG ANG BUHAY KO
SA KANIYA LANG ANG PANGARAP KO
SA KANIYA LANG AKO SASAYA NG GANITO
MARAMING SALAMAT SA IYO MAHAL KO
BLOG BASED ON: Top 10: Signs You're Ready To Pop The Question from AskMen.com [http://www.askmen.com/top_10/dating_60/98_dating_list.html]
2 comments:
hmm..
sabi nga forever is NOT empirically qunatifiable. you can count in numbers ang word na forever....
it's an iloveyou today ask me again tomorrow kind of love that truly stands the test of time...
as long as you are willing to renew your love... waiting is not really that long :D
yah! hahahaha.. sabi ko nga hehehehe.. kasi naman hindi mo binasa ng buo yung blog ko hehehehe
SUPERBOI I LOVE YOU! goodluck sa interview..
Post a Comment