si caloy at si isha

My photo
sa pagbabago ng panahon, sa pagkurba ng tadhana sa napagpintasang gunita, sa paglalayon sa habang buhay na pagtunton... sa dambana, sa harap ng madla, nanaisin kong mangako ng magpakailanman, patungkol, dahil at para sa iyo...

Tuesday, February 2, 2010

sa paglilinaw...

kung baga sa teleportation... nawala ako sa gitna ng katotohanan at panaginip.. dahil sa tuwing paniniwalaan kong nagkatotoo, nagkaroon ng kaanyuan sa tunay na mundo ang mga pangarap na hinubog ko lang sa pagiisip ko... parang hindi siya totoo.. para siyang multo.. na tinatakot ako.. na baka bigla nalang akong magising sa totoong kaanyuan ng kapaligiran... at ako'y masaktan sa pagkakagising sa katotohan.. pero sa totoo lang, alam ko... dito ko gustong mabuhay.. dito ko gustong mamatay.. dito ko gustong patunayan na totoo ang habang buhay..


nakakatuwang isipin.. na nung una kaming nagkita, meron at meron na siyang nasaging ugat sa litid ko sa puso.. hindi ko to nabigyang pansin dahil nakakandado ang pagkatao ko sa isang kasinungalingang binubuo ko sa mga panahong yaon.. sayang.. kung alam ko lang.. na may patutunguhan ang sang gabing pagkakasilaw sa kagandahan... na may pupuntahan ang sang linggong kabaliwan... na kung pahihintulutan, hindi ko na sinayang ang sang taong namagitan mula nung una, at ng
sumunod na pagkikita..

nagkabiglaan at nagkagulatan nalang.. nung biglang nagkasalubong sa labasan ang dalawang tinadhanang magkabistuhan. Ako, wasakang hinihilom ang dinurog na pagkatao sa pakikipaghiwalay ng dapat ay asawa ko na. Siya, medyo tabingi ang pagkakaayos sa sarili sa pagod na tinatamasa sa trabaho at kung san man.. at sa nagiisang pagkataon, nakita ko sarili kong nahihiya.. sa pagkakakita muli ng taong minsan nang kumalabit sa puso ko. Tadhana nga naman oo palaging nasa tyempo magpatawa. Pasalamat nalang ako't naintindihan ko agad ang kakatuwang katotohanang hinambalos niya sa pagmumuka ko. Nabulaga nalang ako sa biglaang pagusbong ng bagong tagpo sa buhay ko.


walang halong malisya pero, wala nang nakapagpreno sa ulirat ko sa pagkakabighani sa taong ginusto ko mula sa unang beses ko siyang makita. Ayaw ko mang sunggaban ang pagkakataon pero kinailangan ko din ng kaibigan. Ng matalik na kaibigang masasabihan ko at maalagaan ko at mapapagbuhusan ko ng pagmamahal at arugang bumubukal sa kaloob looban ko. Salamat nalang at may isang tao akong nakitang karapatdapat ng pagdaluyan ng pagmamahal kong matagal tagal na ring natigang. Mula noon, pinangako ko sa sarili kong magiging isa akong mabuting kaibigan para sa taong ito. Ngunit hindi ko naman inaasahang maiibsan sa ibang paraan ang pagkauhaw ko sa pagibig sa mga nakatakdang mangyari



Binuksan ko ang mundo ko sa kanya.. sa paglalayong maging ganon din kabukas ang buhay niya sa akin. At natagpuan ko't nadiskubreng hindi lang isa, o isang libo ang mga rason kung bakit ganoon nalamang ako natangay sa indayog na pagkatao ng kaibigan kong ito. Dahil bagkos sa mga kadahilanang parang siya ang matagal ko nang hinahanap, marami pa siyang kahiwagaan na kumutos sa natatakam kong gunita. Hanggang sa nakita ko ang sarili kong masaya.. sa piling niya, sa tabi niya, na kasama siya...



nanguna ako sa mga taong kinilala mong kaibigan. sapat para gawin mo akong bestfriend. sa pagaalaga, sa pagiisip ng mga bagong gawa, sa pagsisilbi, sa pagaaruga, sa pagsuporta sa mga bagay na ginagampanan ng bawat isa, nakita ko ang sarili kong naghahangad pa ng mas sa sobra. Natagpuan ko ang sarili kong naging tao sa paghahanap ng mas ikabubuti at ikasisiya, nadiskubre ko ang kahinaan kong maging ganid at paging pariwara sa pagibig na hindi ko namalayang nalunod na ako, sa pagibig na nararamdaman ko.. na nabalutan na ako ng pagmamahal na hindi ko dapat sinuong pero nakatadhanang umusbong sa titolo ko. nagkaroon ng ibang kahulugan ang bestfriend. ang malisyang iniiwasan ay naging pundasyon ng bagong simulain sa
storyang bumaluktot at tumungo sa kakaibang daan..

ngayong wala nang nakapagpigil sa dapat na mangyari, may mga bagay akong gusto kong liwanagin. Una, na hindi ko alam kung pano nagsimula, pangalawa, hindi ko alam kung gaano ang nararamdaman ko para sa kanya pero sigurado akong sobra sobra, at pangatlo, hindi ko masasabi kung ano pa ang mangyayari pero tiyak, magiging pinaka ang mga ito, basta kasama ang pinakamamahal ko sa mundong ito. MAHAL NA MAHAL KITA mahal ko. At sana naliwanagan kang, magulo ang mundo. At dugyot nating susuungin ang ano mang karumihang haharapin natin. Ngayon, at kailan pa man.