Hindi ko nalaman kung anung gumising sa akin pero hindi ko rin maintindihan kung bakit ako biglang napabangon sa kama ko. Siguro narinig ko ang pagngawa ng 17 years old naming kasambahay. Kasambahay kasi hindi kami naghahire ng katulong. Most of the time kasi nagaampon kami ng kamaganak para tumuong sa amin sa mga gawaing bahay.
17 years old siya. Bata pa para magtrabaho. Siguro dahil dun din kaya hindi pwede siyang tawaging katulong. Actually she's our Granny's nanny and at this point ito ang pinaka (and i mean pinaka) daring and difficult job there is! 17 years old, and 6 months pregnant.
Pumasok siya sa amin na one month preggy... (huwag niyo akong titingnan ng masama! loya sa asawa ko mga pasaway!) at pilit niyang nililihim kahit na katawan niya mismo ang nagsusumigaw. On her 6th month, hindi na talaga niya maitago ang paglobo ng sinapupunan niya. HIndi na talaga pwedeng itago sa mga patong o mga panali ang tiyang nilugaran at tinitirahan ng kanyang anak.
Bata pa siya para maging katulong at maging ina. Siguro hindi na uso ngayon ang kabataan at maagang namumulat sa kamunduhan ang mga kabataan. taena. anu bang pinanunuod ng mga ito sa TV!?
Nung gabing yaon, itinakbo siya sa ospital dahil sa pananakit ng tiyan niya. Buong araw niyang ininda ang masakit daw na pagkirot ng sinapupunan niya. At dumugo na rin ang hindi pa dapat dumugo. Naglawa na rin ang hindi pa dapat maglawa. Pagdating sa ospital, tinurukan siya agad ng unang dose ng "pampakapit." Sa totoo lang hindi ko alam kung anu ang pampakapit o kung anung ginagawa nito sa bata para mapakapit siya. Pero ito rin kasi ang una sa dapat ay buwanang dose (kasi naman lately lang niya sinabi eh di ba?) ng pampakapit at kung anu anong gamot na dapat ay noon pa niya dapat iniinum. Pero kahit ang kapatid kong 3rd year nursing (na may background sa OB at maternity) at hindi napansin ang signos--ang first stage.
Dapat magsisimbang gabi ako ng umagang iyon. Pero dahil sa nakainom ako dahil napilit ng lasenggA (hindi typo yung A) kong kapatid, KO ko lang tinarayan ang kalabit at tawag ni mama. Pareho kami ni papa palang naiwan dahil siya din napainom na wala sa kundisyon (anak ng! dalawa kaming lalaki ng pamilya ang napatumba ng kapatid kong babae!). Umalis ang tatlong babae ng pamilya para magsimba ng magsimula ang lahat.
Gumulo ang buong mundo ng yung mismong lola ko (na hindi nakakaakyat ng second palapag) nakaakyat para lang gisingin kami ni papang himbing pa rin sa pagtulog. Masakit daw ang tiyan ng alaga naming buntis. manganganak na raw siya.
Napatayo na ako agad at napasugod sa sala (kung saan siya natutulog para mabantayan ang pasaway kong lola na naghahalughog ng bawal na pagkain sa gabi dahil diabetiko siya). Andun siya. sumisigaw sa sakit. hindi pa niya oras pero nabasag ang katahimikan ng malamig sa gabi sa malakas niayng magngawa. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi namin alam ni papa ang gagawin. kaya't ginawa lang namin ang alam lang namin gawin--humingi ng saklolo.
Ang storya, nagsimula nanaman palang manakit ng tiyan nitong alaga namin. Sa pagaakalang umatake nanaman ang UTI niya, umihi siya. At sa pagiri niya, ibang tubig na pala ang iniiri niya--ang bahay bata. Muntik na niya palang maihi ang anak niya papalabas pero nang madiskubre niya ang nangyayari, pinigil niya ang tuluyang pageject ng bata palabas sa mundo nang hindi pa siya handa.
Tumakbo ako papuntang simbahan para hanguin ang mama at mga kapatid ko. Si papa, nagstart na ng makina ng van. HIndi ako makapasok ng simbahan. Dahil napakaraming tao, at nakapang tulog pa ako (literal na naka pajamas pa) kaya sinubukan kong itext. hindi gumana. Tumawag ako. Ala nga pala akong load. Tinext ko ang asawa kong kasalukuyang gising. Siya ang tumawag. Paglabas nila mama, takbo na kaming lahat pabalik ng bahay.
Binuhat ko si Joji at sa mismong pagkapit ko sa likod at sa binti niya, tumulo na ang dugong matagal niyang pinigilang lumabas. Asa shorts na raw ata ang anak niya. Anak ng.. wag ngayon. wag ngayon. 15 minutes kami na dapat ay 30 sa normal na buhay bago nakarating ng ospital. wala na ang hilab ng tiyan ng alaga namin. Punong puno ng dugo ang van. Wheelchair ang sumalubong sa amin papasok ng ospital. Ayaw umupo ng alaga namin sa takot na maupuan niyang maupuan niya ang anak niyang nakalaylay ng mga oras na iyon sa shorts niya. Panigurado. Patay ang bata.
Pinakita ng nurse sa amin ang bata (fetus). Kulay gray. Mukhang alien. Mukhang naghirap. Mahaba. Malaki na. Kumpleto na ang buong katawan (pwera daw sa lungs at mata sabi ng kapatid kong nurse). At sa mga oras na iyon, lungkot at takot ang naramdaman ko. Lungkot na hindi pa handa ang batang ito sa mundo. takot na baka hindi lang ito ang huling beses na makasaksi ng ganito. Dahil sa pagkakataong ito, hindi ko na kaya, pano pa kaya kung..... (supla! wag naman sana!)