si caloy at si isha

My photo
sa pagbabago ng panahon, sa pagkurba ng tadhana sa napagpintasang gunita, sa paglalayon sa habang buhay na pagtunton... sa dambana, sa harap ng madla, nanaisin kong mangako ng magpakailanman, patungkol, dahil at para sa iyo...

Monday, September 29, 2008

“... Ng Hindi Nakita ang Bukang Liwayway: Ang kwento ni Pareng Teban”

1.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na dumampi sa ulirat ko bilang tao.

Ano ba ang tao? Ano ba ang ginagawa ng tao? Tao ba ang masaktan? Tao ba ang magalit? Tao ba ang gumanti? Tao ba ang maging masama, ang maging mabuti? Tao rin ba ang magmahal, ang pumatay, ang ipagtangol ang buhay, ang minamahal, ang bayan?

Isang linggo, tatlong araw at mga lima o anim na oras kong binasa hanggang matapos ang librong may 368 na pahina. Maliit lang siya. Pero mas malaki pa sa mundo ang ipinakita nito—isang dambuhalang katotohanan na tao lang ang mabigo, ang magpatawad at mamatay... para sa bayan o para saan man.

Hindi ko naabutan ang panahon ng mga hapon. Pero hanggang ngayon ramdam ko ang tindi ng epekto ng pagdayo nila rito sa bansa nung WWII para maglabas ng kayabangan, ng kalibugan ng kasamaan. At hanggang ngayon, umiinit pa rin sa ngitngit ang lamang loob ko sa tuwing maaalala ko ang Author's note nito ni pareng Teban: “After reading this, maybe you'll understand us Filipinos... a little.”

May mga nakilala rin akong matatandang nasaksihang masunog ang bandilang puti at ng Imperial na araw nito. Mga matatandang kahit kailan, hindi na nagawang lumabas ng kanilang bahay sa takot na baka gahasain, paslangin, babuyin at alipustahin ng hapon. Mga matatandang hindi na nasilawan ng bukang liwayway ng paglaya.


2.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na pumukaw ng damdamin ko bilang isang lalaki.
Kaya alam ko, ramdam ko ang nararamdaman ni Carding (ang masasabing bayani ng storya) sa mga bawat punto na pilit tinutunaw ng kasamaan ang kanyang puso. Damang dama ko ang pagbabago nito mula sa isang mabait na binata sa isang simpleng baryo ng Panay hanggang sa isang demonyo sa impyernong matatawag na bansang pinutakte ng mga diablong nagsasalita ng wikang hapon.

Tumagos sa kaluluwa ko ang apoy na sumunog sa bawat kaluluwang binuhay ni pareng Teban saka iniwan para mamatay sa kanyang libro. Nasunog ako. At sa uling at abong natira sa pagtapos ko sa pagbabasa, napagtanto ko na tama nga ang matatanda sa pagsasabing, ang tao, gagawin ang lahat para mabuhay, para tumanda, matuto at gawin ang lahat para makaligtas.
Hindi ko masisisi si Carding sa mga ginawa niyang kasamaan. Tinagurian siyang anak ng Diablo ng mismo niyang kababayan at mahal sa buhay pero sa totoo lang, hindi niya kasalanan maging isang demonyo kung nakatira na siya sa impyerno. Impyreno ang imperialismong Pilipinas na binuhay ng mga hapon.

3.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na bumalot sa pagkatao ko bilang isang anak ng isang ina, kapatid ng aking ate, kabiyak ng aking asawa.

Babae ang nanay ko. Babae ang mga kapatid ko. Babae ang taong gusto kong pakasalan (natural!). Pero hindi ko matatanggap kung silang lahat makikita kong halinhinang gahasain ng mga baboy na hapon. Isa, Lima, labing isang hapon, sunod sunod, nakapila, naghihintay ng pagkakataong sila naman ang magtatangal ng kati ng mga ari nila sa isang babaeng nagmamakaawa, walang magawa at alam na pagkatapos pagpakasaan ng mga hapong ito, kakalbuhin, tatanggalan ng suso gamit ang matatalim na dulo ng bayonete, ibibitin ng patiwarik, pupugutan ng ulo, at hahayaang mabulok sa ilalim ng araw. Sinong makakapagsabing makatao ito?

Marami na akong nabasa tungkol sa mga tagpong ito. Na isang babae, gagahasain sa harap ng asawa, ama at mga anak ng limang lalaki, at pag nagpumiglas ang kaawa-awang mga kalalakihan, sila ang papasakan ng bayonete sa katawan—mamamatay na ang huling nasaksihan ang nagmamakaawang anak, asawa at ina na sinusunog sa apoy ng kamunduhan—ginagahasa kahit na nangingig na ang katawan sa pagod, sa sakit na pulmunya, at sa araw araw ng pagpapasak at pilit na pagpapainom ng likido ng hapong walang kaluluwa. Hindi ko ata makakayanan nun. Kaya sa mga ganitong tagpo, hindi kaduwagan ang pagpapakamatay. Dahil yun nalang siguro ang tangi kong magagawa sakaling mangyari sa akin yun—ang tanging papatay sa sakit, sa kalungkutan, sa galit, sa pagluluksang mararamdaman ko kung sakali.

Napanood ko na rin ang isang dokyumentaryo ng mga Koreanong comfort women at ang kanilang pinagdaanan at ang pakikipaglaban nila at paghingi ng katarungan hanggang ngayon sa mga nangyari sa kanya. Pero nananatiling naninindigan ang bansang hapones na hindi nila kailangan humingi ng tawad kahit na ang mga mismong mga sundalong hapon, umiiyak sa pagsisisi sa kademonyohang ginawa nila. Pero ang nagawa na ay nagawa na. Parte na ng dugong pilipino, tulad ng dugong kastila, ang dugong hapon. Nakahalo na sa dugo natin ang dugong hapon, sa ayaw natin o hindi.


4.

Hindi ko maitatangi. Isa na nga ang “Without Seeing the Dawn” ni Stevan Javellana sa mga pinakamagandang literaturang likha na tumunaw ng damdamin ko bilang isang kristyano.
Dahil sa kawalan ng pagasa, isa lang talaga ang matatakbuhan ng kahit sino—ang kaniyang pananampalataya. Ang isang bagay na hindi nakikita ng tao. Hindi nararamdaman, hindi naamoy, hindi nahahawakan. At sa bawat piraso ng rosaryo, sa bawat santa maria, sa bawat pagluhod at pagluha sa harap ng dambana, ang isang kaluluwang durog ay mabubuo at mabubuo. Hindi ko maitatangi, tulad ng kwento ni Pareng Teban, isa ngang makatotohanang representasyon ng pagiging pilipino ang librong “Without seeing the dawn.”



NOTES:
Naisapelikula na ang storyang ito ni Stevan Javellana: Ang pelikula ni Lino Brocka sa pangalang Santiago! Na ginanapan nina Hilda Koronel at ni Fernando Poe, Jr.

Sa mga kaibigan kong gustong mabasa ang librong ito, i-text niyo lang ako and handa kong pahiramin ang nagiisa kong kopya. Tutal, hangad ko lang naman ipasa sa inyo ang matinding nararamdaman ko.



(me sporting my copy of Javellana's
"Without Seeing the Dawn")

Friday, September 19, 2008

Ang batang nagmamayari ng boses ng sang dosenang tao

(The kid who has the voice of a dozen men)

1.

Tangnanit! Hindi na makatao tong pagkabog ng laman-loob ko sa ganda ng katabi ko dito sa bus. Bakit ba gustong gusto ng mga babae na pinaparusahan nila yung mga lalaking makakasabay nila sa biyahe?! Ang init init na nga ng mundo gusto pa nilang dinadagdagan ang paglala ng Global Warming sa mga suot nila! Oo na nga maganda na nga kayo! Pero wala naman kaming kasalanan ah! Bakit niyo kami tinotoruture?! Oh! Nayari pa! Wag mo na akong ngitian! Nagmamakaawa ako! Tama na!

Ayaw ko nito. Ito talaga ang mga panahong gusto ko nalang bumaba at sumakay sa ibang pang bus. Hindi ko kasi gusto na nawawala ang attention ko sa binabasa kong Insomnia ni Stephen King—kung kelan ba naman tapos na ang boring part at unti unti nang umaatikabo ang mga tagpo sa maliit na librong ito. Tae talaga! Hindi ko maiwasang sumulyap. Nakakainis! At nakisama pa tong si Ralph Roberts (character sa libro) sa dumadagdag na kamunduhan ng mundo ko!

“...if she'd been the one to whisper in my ear, I bet the old trouser-mouse

would have done a little more than just turn over in its sleep.”

What the FFFFFFF?!!

2.

Mas ayos na siguro itong nagbabasa ka sa biyahe kesa naman natutulog ka lang buong biyahe. Sabi nga nila papa, pag gising ka, you'll always be on guard sakaling may aksidente (wag naman sana), o may masamang loob na gustong personalin ang pagtitrip sa kanya ng kapalaran at sa iyo iparating na naghihirap siya sa mala theatrong pagiinarte niya (with the stage whispers and the props knife poking your side where your liver is located). At sa limang cellphone ko nang naiwala sa pagtulog ko sa biyahe, hindi nga kaigaigayang tulugan mo ang mundong puno ng gustong maunahan at maisahan ka. Pero hindi rin siguro maganda na Stephen King novels ang binabasa mo. Dahil pakiramdam mo nakakakita ka na rin ng mga bagay na hindi nakikita ng ibang tao. Nakakatakot. Nakakabaliw.

3.

Napakagat-labi ako sa nagyayari sa mala-pelikulang pagbabasa ko sa librong ito. Napakapit ako sa unti-unting nadudurog na cover ng libro (siguro dahil na rin sa mahihigpit kong paghawak sa tuwing may mamamatay o may mangyayaring hindi mo inaasahan). Mahihimatay na ata ako sa pagkakadala ng storyang ito nang may bigla akong narinig na isang malakas na sigaw. Ay hindi pala siya sumisigaw. Kumakanta...

SIR MA'AM AKO LANG PO AAH-AY

NANGHIHINGI

SA INYO NG KONTING BARYA-AAHH!

PARA NAMAN PO-OOHH,

KAMI'Y MAY MAKAIN...

PARANG AWA NIYO NAMAN PO-OOHH,

WALANG WALA PO-OHH,

KAMING MAKAIN...

Kilala ko na itong batang kumakanta simula ng magsimula akong magtrabaho sa Paranaque at tahakin ang nakakapagod na rutang Calamba-Alabang sakay ng mga bus araw-araw. At hanap-buhay na niya ito. Araw araw, sumasakay siya sa jeep at kumakanta. Na parehong lyrics(na puno ng pagmamakaawa), parehong punto (mala batange-no), parehong tono (Mala maalala mo kayang kahit mismong idol ko na si Charice Pempengco mahihirapang kantahin). At sa araw arw na ginawa ng diyos, yan ang sumisira sa pagbabasa ko. Kaya naman kabisadong kabisado ko na ang malasalimuot niyang kanta. Natawa nga tong diyosang katabi ko nang subukan kong maglip-sing (ng hind ko alam na ginagawa ko) kasabay ng kanta niya. At tulad ng araw araw niyang ginagawa, declamation naman after ng solo performance.

SIR! MAM! AKO LAMANG PO AY HUMIHINGI NG KONTING BARYA. SANA PO'Y MAUNAWAAN PO NINYO AKO AT WALANG WALA NA
PO KAMING MAKAIN. MARAMING MARAMING SALAMAT PO.
THANK YOU VERY MUCH! MERRY CHRISTMAS! THANK YOU! AMEN!

Wow! Ngayon ko lang narinig yung amen! Siyet! At least may alam siyang bagong salitang maidadagdag sa wala niyang kupas na pamamalimos. Pero hindi pa rin niya nababago ang punoto't mali niyang pagbigkas ng “r”., ang tono at pagbigkas ng bawat salita, at ang napakalakas na boses na mismong pader ng bus nangingig—ano pa kaya ang tenga ko! Naranasan ko na nung isang beses tumabi siya sa akin at naiiyak ako dahil pakiramdam ko puputok na ang tenga ko sa tindi ng boses niya. Kinapa ko sa mga puntong yun yung tenga ko sakaling may mainitinit na likido na ang tumutulo na rito tanda ng pagbigay nito sa napakalas niyang boses. Salamat sa diyos wala. Naririnig ko pa kasi ang mga mahihinhin na tawa ng maganda kong katabi (mahinhin?! Nagsusuot ng spaghetti strap na sando at mini mini shorts! Pasalamat ka't sexy ka at bagay sayo suot mo pero hindi ata ako makakapayag sa pavirgin mong tawa dahil hindi sa iyo yang tawang iyan).

4.

Tulad ng inaasahan, kumikitang kabuhayan nanaman ang batang nagmamayari ng boses ng dosenang tao. Piso, Limang piso, sampu at bente. Kahapon ata nakahakot ata ito ng isang daan mula sa isang pilantropong matanda at dolyar mula sa kanong namumula ang kutis sa tindi ng init. Mayaman na ang batang ito. Pero kahit araw arawin niya ako, hindi ko man ang siya naisip bigyan ng kahit kusing. Hindi dahil sa masama ang loob ko dahil sa pagistorbo niya sa pagbabasa ko. Hindi ako ganoon kababaw. Hindi ko lang matatanggap na yung piso ko mapupunta lang sa sugarol niyang ina o sa manginginom niyang ama.

Yan ang madalas na palusot niya sa tuwing may mapagkawang loob na tatanungin kung bakit wala siya sa paaralan at siya ang nagtatrabaho sa pagsisigaw at pagkanta kung gaano kamiserable ang buhay nila. Hindi ko lubos maisip na ganito katindi mangtrip ang tadhana, tulad ng madalas kong sabihin. Pero kahit ilang beses ko siya sabihin at ilang beses kong tingnan, mali pa rin siya. Maling mali.

5.

Kristyano ako. Katoliko. Naniniwala, sumusunod, naninindigan. Kahit na kadalasan nagiging suwail din akong anak, natutunan ko na ring kahit kailan, hindi pwedeng pagsamahin at pagisahin ang paniniwala sa detalyeng dinidikta ng siyensya. Hindi. Pero sa tuwing makikita ko ang paghihirap ng mundong ito dahil sa mga magulang na hindi na naging matanda—sa mga batang natututong mabuhay ng walang alam at walang diyos, hindi ko talaga maitatangging kailangan na talagang gamitan ng siyensya at maagapan ang lumulubhang kahirapang ito.

Tutol ako sa pagpaslang sa laman ng sinapupunan—dahil kahit anung rason ng taong gumagawa at pinagagawa iyon, pagpaslang pa rin iyon. Pero pabor ako sa artipisyal na pagkokontrol. Dahil bakit ka bubuo kung dudurugin, itatapon, sasaktan, papahirapan at papatayin mo lang ito.

Tulad ng batang nagmamayari ng pinakamalakas na boses, hindi niya kasalanang mabuhay sa mundo. Pero pinagsisisihan niya ang kasalanan ng mga magulang nito.